HOUSTON – Nagpasabog si James Harden ng 36 points at 13 assists nang durugin ng Houston Rockets ang Golden State Warriors, 129-112, noong Miyerkoles ng gabi.
Nalasap ng kulang sa taong Warriors ang ika-6 na kabiguan sa walong laro ngayong season.
Tumipa si Russell Westbrook ng 18 points, 8 rebounds at 6 assists, habang nag-ambag sina P.J. Tucker ng 22 points at 11 rebounds, Clint Capela ng 19 points at 16 rebounds, at Austin Rivers ng 12 points, pawang mula sa 3-point area.
Nanguna si Alec Burks para sa Golden State na may 28 points. Gumawa si Eric Paschall ng 19 points, at nagdagdag si Glenn Robinson III ng 15 points at 11 rebounds.
Iniinda na ang injuries nina Splash Brothers Stephen Curry (broken hand) at Klay Thompson (knee surgery) at ang pagkawala ni Kevin Durant, ang Warriors ay naglaro na wala sina D’Angelo Russell (sprained ankle) at Draymond Green (index finger) para sa ikatlong sunod na laro.
BUCKS 129,
CLIPPERS 124
Tumipa si Giannis Antetokounmpo ng 38 points at 16 rebounds, umiskor si George Hill ng 24 mula sa bench at napigilan ng Milwaukee ang bawat pagbabanta ng Los Angeles upang itarak ang kanilang ika-4 na sunod na panalo.
Kumana ang Bucks ng 18 3-pointers, sa pangunguna ng anim mula kay Hill.
Kinapos si Antetokounmpo para sa triple-double na may siyam na assists. Nakapagposte siya ng hindi bababa sa 10 rebounds at 5 assists sa unang walong laro ngayong season, ang unang player na nakagawa nito magmula noong 1972-73.
Sa pangunguna nina Hill at Kyle Korver na may 14 points, na-outscore ng reserves ng Bucks ang bench ng Clippers, 47-20.
JAZZ 106,
76ERS 104
Tumabo si Donovan Mitchell ng 24 points at 8 assists at ipinalasap ng Utah sa Philadelphia ang ikalawang sunod na pagkatalo matapos ang 5-0 simula.
Nagdagdag si Bojan Bogdanovic ng 20 points, nagsalansan si Rudy Gobert ng 14 points, 16 rebounds at 3 steals, at umiskor si Joe Ingles ng season-high 16 points.
Nakalikom si Joel Embiid ng 27 points at 16 rebounds upang pangunahan ang 76ers sa kanyang pagbabalik mula sa two-game suspension. Nagdagdag si Josh Richardson ng season-high 24 points.
RAPTORS 124, KINGS 120
Kumana si Pascal Siakam ng 23 points at 13 rebounds at nagposte si Kyle Lowry ng 24 points upang pangunahan ang Toronto laban sa Sacramento.
Naitala ni Serge Ibaka ang 10 sa kanyang 21 points sa fourth quarter, at kumamada si OG Anunoby ng season-high 18 para sa defending champion Toronto. Nagwagi ang Raptors ng limang sunod laban sa Kings.
Tumapos si Harrison Barnes na may 26 points para sa Sacramento. Naiposte ni Bogdan Bogdanovic ang 13 sa kanyang 22 sa fourth quarter, at nagdagdag si Buddy Hield ng 21.
Sa iba pang laro ay naungusan ng Mavericks ang Magic, 107-106; pinulbos ng Pistons ang Knicks, 122-102; pinaamo ng Grizzlies ang Timber-wolves, 137-121; pinadapa ng Pacers ang Wizards, 121-106; at sinuwag ng Bulls ang Hawks, 113-92.
Comments are closed.