PATULOY ang mainit na shooting ni James Harden subalit nakakuha siya ng sapat na suporta nang magtala ang Houston Rockets ng NBA single-game record sa pagsalpak ng 26 3-pointers sa 136-118 panalo laban sa bumibisitang Washington Wizards nong Miyerkoles.
Umiskor si Harden ng 35 points sa 10-of-18 shooting, kabilang ang 6-of-11 sa 3-point attempts, upang pangunahan ang Rockets sa kanilang ika-5 sunod na panalo.
Sa kabuuan ay bumuslo ang Houston ng 55.3 percent, kung saan naipasok nito ang 26 sa 55 3-point tries.
May 9 assists, muntik nang magtala si Harden ng double-double para samahan ang kanyang teammates Clint Capela (20 points, 12 rebounds) at P.J. Tucker (11 points, 11 rebounds). Nagdagdag si Chris Paul ng 21 points at 8 assists.
JAZZ 108,
WARRIORS 103
Hinawi ni Rudy Gobert ang paghahabol ng Golden State sa isang late dunk, at naging sandigan ng Utah ang superior 3-point shooting upang maiposte ang panalo sa Salt Lake City.
Nagtuwang sina Jae Crowder, Joe Ingles at Kyle Korver para sa 13 3-pointers, upang tulungan ang Jazz na ma-outscore ang Warriors, 48-30, sa 3-point area tungo sa panalo na nagtabla sa season series sa 1-1. Hindi pinaiskor ng Jazz ang Warriors sa huling 1:13, kabilang ang sablay na 3-point attempt ni Kevin Durant na nagtabla sana sa talaan.
RAPTORS 99,
PACERS 96
Naisalpak ni Fred VanVleet ang isang 3-pointer, may 25.9 segundo ang nalalabi, upang bigyan ang injury-depleted Toronto ng isang puntos na kalamangan, at binura ng Raptors ang 17-point deficit upang mamayani sa bumibisitang Indiana.
Nagsalansan si Kawhi Leonard ng 28 points, 10 rebounds, 6 assists at 4 steals para sa Raptors, na natalo sa kanilang huling dalawang laro. Nakalikom si Pascal Siakam ng 17 points at 7 rebounds, at nagdagdag sina Greg Monroe ng 13 points at 8 rebounds at VanVleet ng 11 points.
THUNDER 132, KINGS 113
Nagbuhos si Paul George ng 43 points upang pangunahan ang Oklahoma laban sa Sacramento.
Naiposte naman ni Russell Westbrook ang kanyang ika-8 triple-double sa season sa pagkamada ng 19 points, 11 rebounds at 17 assists.
SUNS 111,
CELTICS 103
Nagpakawala si Kelly Oubre, Jr. ng isang 3-pointer, may 49.9 segundo ang nalalabi sa kanyang debut sa Phoenix, upang tulungan ang Suns na igupo ang Boston.
Nanguna si Kyrie Irving para sa Celtics sa kinamadang game highs sa points (29) at assists (10).
Sa iba pang laro: Pistons 129, Timberwolves 123 (OT); Bucks 123, Pelicans 115; 76ers 131, Knicks 109; Hornets 110, Cavaliers 99; Trail Blazers 99, Grizzlies 92; Nets 96, Bulls 93; Spurs 129, Magic 90.