ROCKETS LUMAPIT SA NBA FINALS

NAISALPAK ni Eric Gordon ang dalawang free throws,  may 2.4 segundo ang nalalabi, at naitakas ng Houston Rockets ang 98-94 panalo laban sa bumibisitang Golden State Warriors sa Game 5 ng Western Conference finals noong Huwebes sa ­Toyota Center.

Nakakapit ang Rockets sa dalawang puntos na kalamangan, sinelyuhan ni Gordon ang panalo sa foul line. May pagkakataon ang Warriors na makatabla sa kanilang naunang possession, subalit nabitawan ni Draymond Green ang bola habang nagtatangkang mag-drive sa basket. Nabawi ni Gordon ang loose ball.

Dadalhin ng Rockets ang 3-2 series lead pabalik sa Oakland, Calif.  na may pagkakataong tapusin ang defending champions sa Sabado (Linggo sa Maynila).

Namayani ang  Houston sa Game 5 sa kabila ng pagmintis ni James Harden sa lahat ng kanyang 11 3-point attempts habang tumapos na may 19 points sa 5-of-21 shooting. Nakagawa rin siya ng anim na turnovers.

Nasa bench ang isa pang lider ng Rockets na si Chris Paul sa hu­ling 22.4 segundo dahil sa right hamstring injury. Kumana si Paul ng 18 points sa 6-of-12 shooting sa second half  makaraang umiskor ng dalawang puntos at magmintis sa lahat ng kanyang pitong field goal attempts bago ang halftime.

Nagtala si Gordon ng team-high 24 points mula sa bench.

Nanguna naman si Kevin Durant para sa Warriors na may 29 points, habang nagtuwang sina Stephen Curry at Klay Thompson ng 45 points sa 16-of-31 shooting.

Sumablay si Curry sa isang runner off the glass kung saan naghahabol ang Warriors ng isang puntos sa krusyal na sandali.

Tumipa si Green ng 12 points, 15 rebounds at 6 turnovers.

Naipasok ni Paul ang kanyang unang basket sa 9:43 mark ng second half, isang 3-pointer na nagbigay sa Houston ng 52-49 bentahe.

Sinamantala ng Rockets ang matamlay na ball security ng Warriors sa first half,  kung saan nagtala ito ng siyam na puntos sa walong turnovers ng Golden State.

Nagwagi ang Houston bagama’t na-outshoot ito mula sa  floor,  44.4 percent sa 37.2 percent.

Comments are closed.