ROCKETS NAUNGUSAN NG HEAT

miami heat

NAGBUHOS si Josh Richardson ng 22 points at nalusutan ng Miami Heat ang isa na namang matikas na performance ni James Harden upang igupo ang bumibisitang Houston ­Rockets, 101-99, noong Huwebes ng gabi.

Nagmintis si Eric Gordon ng Houston sa isang three-pointer mula sa left wing, may 0.6 segundo ang nalalabi, at naputol ang five-game win streak ng Rockets. Tumapos si Gordon na may 20 points.

Naging sandigan din ng Miami, nanalo ng tatlong sunod, si Tyler Johnson, na kumamada ng 19 points sa kabila ng pagliban sa ensayo noong Miyerkoles dahil sa ma­tinding pananakit ng ulo. Nagdagdag si Heat center Hassan Whiteside ng 9 points at game-high 17 rebounds.

Nag-ambag si Harden, ang reigning NBA MVP, ng 35 points, 12 assists, 6  rebounds at 2 steals.

Gayunman, na-injure ni Houston star point guard Chris Paul ang kanyang  left hamstring sa first half. Dumiretso siya sa locker room at hindi na bumalik. Nag-ambag siya ng 4 points at 4 assists sa loob ng 12 minuto.

Naging mainit ang simula ng Houston sa paglulunsad ng 15-2 run upang umabante sa 33-21 makalipas ang first quarter. Na-outshoot ng Houston ang Miami sa quarter, 47.6 percent sa 30.4 percent.

Nagdagdag si Harden, nagtala ng 11-point first quarter, ng 9 points sa second period. Subalit bumawi ang Heat, na naghabol ng hanggang 16 points sa quarter, upang tapyasin ang kalamangan ng Houston sa 58-53 sa halftime.

CLIPPERS 125, MAVERICKS 121

Nagpasabog si Danilo Gallinari ng 32 points at nagdagdag si Lou Williams ng  26 sa kanyang pagbabalik mula sa hamstring injury  nang gapiin ng Los Angeles Clippers ang bumibisitang Dallas Mavericks noong Huwebes.

Tinapos ng Clippers ang kanilang four-game losing streak habang nalasap ng Mavericks ang ika-4 na sunod na kabiguan.  Natalo ang Los Angeles sa anim sa kanilang nakalipas na pitong laro.

Kumana si rookie Luka Doncic ng career-high 32 points at nagdag­dag si J.J. Barea ng 19 para sa Mavericks, na 0-2 sa kanilang four-game road trip na natapos sa Golden State at Portland.

Umiskor si DeAndre Jordan ng 11 points at humugot ng 22 rebounds para sa Mavs sa kanyang unang laro sa Los Angeles kontra Clippers magmula nang lisanin ang kanyang dating koponan bilang free agent sa offseason.

Humugot si Jordan ng 23 rebounds laban sa Clippers sa laro sa Dallas sa kaagahan ng buwan.

Nakakolekta si Jordan ng hindi bababa sa  20 rebounds sa ika-5 sunod na pagkakataon ngayong season, kung saan apat dito ay ngayong buwan. Nakalikom siya ng 23 rebounds laban sa Sacramento Kings noong Linggo.

Naitala ni Doc Rivers ng Clippers ang kanyang ika- 864 career coaching victory, at napantayan para sa 13th all-time sa kasaysayan ng NBA si Jack Ramsay.

Tumipa si Montrezl Harrell ng 18 points, at nagdagdag si Tobias Harris ng 16 points at 9 re-bounds  para sa Clippers. Naglaro si Williams ng 23 minuto makaraang lumiban sa naunang apat na laro.

Comments are closed.