SALT LAKE CITY – Nagbuhos si Derrick Favors ng 24 points at 10 rebounds mula sa bench upang tulungan ang Utah Jazz na malusutan ang maagang pagkaka-eject ni Rudy Gobert at kumarera sa 118-91 panalo laban sa Houston Rockets noong Huwebes ng gabi.
Nagdagdag si Joe Ingles ng 18 points at 6 rebounds para sa Jazz, na nagwagi sa ikaapat na pagkakataon upang muling makasampa sa .500.
Umiskor si James Harden ng 15 points habang nag-ambag sina Chris Paul at Clint Capela ng tig-12 para sa Rockets. Sa ikalawang sunod na laro ay hinayaan ng Houston (11-13) ang katunggali na makalayo sa second half makaraang makagawa ng season-high 22 turnovers na nagresulta sa season-high 33 points.
Ang Jazz ay naglaro sa malaking bahagi ng game na wala ang kanilang starting center makaraang ma-eject si Gobert sa first half.
CELTICS 128, KNICKS 100
Tumipa si Kyrie Irving ng 22 points bago nilisan ang laro sa mga huling minuto, gumawa si Al Horford ng 19 points at 12 rebounds, at nilampaso ng Boston Celtics ang New York Knicks, 128-100, noong Huwebes ng gabi.
Balik-aksiyon si Jaylen Brown makaraang lumiban ng tatlong laro dahil sa bruised lower back at tumirada ng season-high 21 points. Nagdagdag si Jayson Tatum ng 17 para sa Boston, na nanalo ng apat na sunod at naiganti ang kanilang pagkatalo sa Knicks noong Nob. 21.
Kumabig si Tim Hardaway, Jr. ng 22 points para sa New York, na natalo ng apat sa kanilang huling limang laro. Tumapos si Enes Kanter na may 14 points at 11 rebounds, at nagdagdag si Noah Vonleh ng 12 at 10.
Naipasok ng Celtics ang unang tatlong baskets sa laro at kailanman ay hindi nalamangan ng katunggali.
TRAIL BLAZERS 108, SUNS 86
Kumamada si Damian Lillard ng 25 points at 8 assists bago inilabas sa final quarter at pinutol ng Portland ang three-game losing streak nang dispatsahin ang Phoenix.
Umiskor si Jake Layman ng career-high 24 points mula sa bench para sa Blazers, na nalasap ang ika-6 na kabiguan sa kanilang huling pitong laro. Umabante ang Portland ng hanggang 31 points.
Kumana si Troy Daniels ng season-high 15 points para sa inaalat na Suns, na nalimitahan sa siyam na puntos sa first quarter sa ikalawang sunod na laro at natalo ng pitong sunod.
Ang Phoenix ay may apat na panalo pa lamang ngayong season, at isa lamang sa road. Sa ikaapat na sunod na laro ay hindi sumalang si T.J. Warren para sa Phoeniz dahil sa right ankle soreness. Hindi rin nakasama ng Suns si Devin Booker sa ikalawang pagkakataon sanhi ng left hamstring strain. Si Booker ang top scorer ng koponan na may average na 23.5 points, habang si Warren ay may averages na 17.7.
Comments are closed.