ROLBAK SA EXCISE TAX SA FUEL

HINAMON ni Senador Bam Aquino ang pamahalaan na i-roll back ang excise tax na ipinataw sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng tax reform program nito upang maalis ang pasanin ng mataas na presyo sa taumbayan, lalo na sa mahihirap.

Ayon kay Aquino, nalulunod na ang mga Pilipino sa taas ng presyo kaya  hindi na dapat  hintayin na magmahal pa lalo ang bilihin.

Ginawa ng senador ang pahayag matapos ihayag ng Department of Energy (DOE) na pinapayagan ng TRAIN Law ang agarang suspensiyon sa excise taxes sa mga produktong petrolyo.

Ngunit ayon sa DOE, saklaw ng suspensiyon ang dagdag na excise tax sa 2019.

“Next year is too late. Hirap na hirap na ang mga Pilipino sa pagtaas ng presyo,” giit ni Aquino.

Kaugnay nito, inirekomenda ng Senate committee on public services  na isuspinde ang excise tax sa mga produktong petrolyo na bahagi ng tax reform package.

Ito ang inihayag ni Senadora Grace Poe, chairman ng komite, nang magsagawa kahapon ng public hearing sa Iloilo City kaugnay sa epekto ng RA 10963 o TRAIN law, partikular sa usaping ng utilities at transportasyon.

“Hihilingin natin sa Department of Finance at sa ibang ahensiya ng gobyerno na pag-aralang mabuti ang suspension ng excise taxes sa fuel dahil sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo,” ani Poe.

Binigyang-diin pa ng senadora na bilang tulong sa publiko, lalo na sa mga mahihirap, ay dapat pag-aralan ng ahensiya ang pagpapaliban sa full implementation ng TRAIN law, partikular sa fuel excise taxes dahil lahat ng produkto ay apektado nito. VICKY CERVALES

Comments are closed.