RONDA BALIK SA KALSADA SA STAGE 7

MATAPOS  ang isang araw na pahinga, magbabalik ang mga siklista sa kalsada upang ipagpatuloy ang mainit na bakbakan sa ilalim ng nakasusunog na araw sa Stage 7 ng 2022 11th Ronda Pilipinas.

Lalakbayin ng mga rider ang 180.4- kilometer mula Tarlac hanggang Baler, Aurora.

Hawak ni Ronald Oranza ang red jersey makaraang kunin ang sixth stage mula Lucena hanggang Tagaytay noong Martes.

Kinailangan ng Navy rider na magpalit ng gulong sa Cuenca, Batangas ngunit nakabawi para tapusin ang 148.3-kilometer stage mula Lucena hanggang Praying Hands Monument sa Tagaytay sa bilis na three hours, 40 minutes at 45 seconds.

Ipinamalas ni Oranza ang kanyang husay sa akyatan sa Talisay-Tagaytay Road— isang mahirap na 11.7-kilometer uphill climb na binubuo ng 10 hairpins —  nang maagaw ang overall individual lead mula kay Jonel  Carcueva ng Go for Gold, na isinuot ang red jersey sa loob lamang ng isang araw makaraang kunin ito kay Jan Paul Morales ng Excellent Noodles.

Si Oranza ay may kabuuang oras na 18:46:04,

“Kailangang  alagaan at hawakan kong matatag at huwag maagaw sa akin ang red jersey,” sabi ni Oranza, naglaro sa Asian Games, kasama si dating tour champion Mark Galedo.

Ang panalo ni Oranza ay nagdulot ng malaking pagbabago sa Top 10 kung saan bumagsak si Carcueva sa third overall sa 18:49.01 at nanatili si Morales sa ikalawang puwesto sa 18:46.46 seconds.

Ang malaking nakinabang sa panalo ni Oranza ay sina Jeremy Lizardo at Francis Sudario.

Umakyat si Lizardo sa No. 5 mula No. 13 sa 18:52.36 habang tumalon si

Sudario sa No.6 mula No.12 na may kabuuang oras na 18:55.01.

Buo pa rin ang 104 starters makalipas ang anim na laps sa event na may nakatayang P3.5 million cash prize, kabilang ang P1 million sa kampeon.  CLYDE MARIANO