LAGUNA – MATAPOS ang mahigit na 30 taon, ipinagkaloob na rin ng pamunuan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang may 65 titulo, Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa lahat ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) sa bayan ng Nagcalan, kahapon ng umaga.
Sa harap nina DAR Undersecretary Bernie Cruz, Nagcarlan Mayor Nelson Osuna, mga lokal na opisyal, pamunuan ng Agrarian Reform sa Calabarzon, at ng Land Bank, ipinagkaloob nila ito ang nabanggit na bilang ng mga titulo sa mga magsasaka.
Bahagi, aniya, ito ng Comprehensive Agrarian Reform Program ng DAR sa buong bansa sa ilalim ng pamumuno ni DAR Secretary Atty. John Castriciones para matulungan ang maliliit na magsasaka na patuloy umanong dumadanas ng paghihirap.
Ayon kay Cruz, dapat lamang nila itong ingatan at pagyamanin para maging kapaki-pakinabang sa kanilang pamilya.
Hindi puwedeng ibenta o isanla ang naturang lupa habang hindi pa ito bayad makalipas ang 10 taon na mahigpit na ipinagbabawal ng batas kung saan dadaan pa rin ito sa tamang proseso.
Base sa talaan ng DAR, umaabot sa 43.3887 ektarya ng lupang sakahan ang ipinagkaloob sa may 65 bilang ng beneficiaries na nagmula pa sa bayan ng Nagcarlan, Kalayaan, Sta. Cruz, Sta. Maria, Calauan, Magdalena at sa lungsod ng Calamba.
Ipinaabot din ni Cruz sa lahat ng mga magsasaka na magtanim ng gulay sa tamang panahon para hindi na maulit pa ang nangyari sa bayan ng Kalayaan, Laguna matapos matambak at halos hindi na mabenta ang sobrang ani ng kamatis. DICK GARAY