UMAMIN na si Ruffa Gutierrez, 47, tungkol sa tunay niyang nararamdaman para kay Herbert Bautista, 53.
Waring proud girlfriend ang peg ni Ruffa nang i-post niya ang litrato nilang dalawa ni Herbert.
Kalakip nito ay video ng paglilibot ni Herbert para sa kampanya nito bilang senatorial aspirant sa 2022 elections.
Sabi ni Ruffa sa caption ng kanyang post: “#8 sa balota, #1 sa puso ko!”
Dinagdagan niya ito ng hashtag na “#MySenatorMadeItToTop12.”
Makikita ito sa post ni Ruffa sa Instagram, Martes ng gabi, March 15, 2022.
Unang pagkakataon kasing pumasok si Herbert sa Magic 12 ng senatoriables base sa latest Pulse Asia survey na isinagawa mula February 18 to 23.
Nakakuha si Herbert ng 32.8 percent rating. Mahigpit niyang kalaban sa 12th spot sina Risa Hontiveros (32.3%) at JV Ejercito (31.6%).
Sa comments section ng post ni Ruffa, tinukso siya ng ilang showbiz personalities dahil sa kanyang tila pag-amin sa ugnayan nila ni Herbert.
Ayon kay Tim Yap, maituturing na “Instagram official” na ang dalawa.
Ang “Instagram official,” ayon sa urban dictionary, ay tumutukoy sa relationship status ng isang couple na nagbahagi ng litrato sa Instagram.
Kung minsan ay tinatawag din itong “jowa reveal” dahil sa senyales daw ang litrato ng kung ano ang ugnayan ng isang couple.
November 2021 nang pumutok ang usap-usapang magkarelasyon na sina Ruffa at Herbert.
Natunugan ito ng netizens matapos ihayag ni Kris Aquino na ang ex-fiancé niyang si Herbert ay mayroong “beautiful girlfriend.”
Read: Is Ruffa Gutierrez the “new girlfriend” of Herbert Bautista that Kris Aquino is referring to?
Nainis kasi noon si Kris dahil may tweet si Herbert na nagpahaging ng panghihinayang sa kanilang nakaraan.
Read: Kris Aquino dismayed by Herbert Bautista’s tweet; Mel Sarmiento calls it “ungentlemanlike”
Noong kasagsagan ng isyu, dinepensahan ni Ruffa si Herbert nang i-tweet ng aktres na hindi raw ang dating Quezon City mayor ang direktang may hawak ng Twitter account nito.
Kinastigo pa ni Ruffa ang aniya’y “admin” ng Twitter account ni Herbert.
Sa hiwalay na pahayag ni Herbert, hindi niya binanggit kung mayroon nga siyang “admin” sa kanyang Twitter account.
Pero humingi siya ng paumanhin kay Kris dahil sa kanyang “inappropriate” tweet.
Ilang buwan ding hindi direktang sinasagot ni Ruffa ang tanong kung sila ba ni Herbert.
Sabi lang niya noong December 2, 2022, hindi isyu sa kanya kung mas matangkad man siya kay Herbert.
Tweet ni Ruffa: “Maliit?? Well, I’m 5’10 so more than half of Filipino men are shorter than me. Besides, height doesn’t matter. Or does it?”
Naiulat ding magkasamang nagdiwang ng Pasko sina Ruffa at Herbert.
Namataan noon si Herbert na kasama sa Christmas celebration ng pamilya Gutierrez.