MAAARI nang simulan ng Russia sa susunod na taon ang produksiyon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine nito na siyang isusuplay sa Filipinas.
Ito ang inihayag ni Carlos Sorreta, Philippine Ambassador to Russia makaraang maglabas ng pahayag ang developer ng Sputnik V, na 92% epektibo ang ginagawang bakuna nito para maprotektahan ang isang indibidwal na hindi madapuan ng nakamamatay na virus batay na rin sa isinagawang trial nito.
Ani Sorreta, puwede nang magsimula ang developer ng Sputnik V na gumawa ng bakuna at Enero sa susunod na taon ay nakahanda itong tanggapin ng bansa.
Mababatid na plano ng bansa na bumili ng paunang 50-milyong doses ng COVID-19 vaccine sa susunod na taon na pangunahing ibibigay sa mga mahihirap, security forces, at health care workers sa bansa.
Nauna rito, nitong Agosto, inihayag ng bansa na nakahanda itong makipag-ugnayan sa Russia para sa pagsasagawa ng clinical trials, at iba pang hakbang hinggil sa bakuna kontra COVID-19. DWIZ882
Comments are closed.