(Sa 2021 national budget) MGA BAGONG BATAS PINONDOHAN

Senador Sonny Angara-4

MAGING ang mga bagong batas na nakatuon sa pagresolba sa suliraning kinakaharap ngayon ng sambayanan ay may kaukulan ding pondo sa ilalim ng P4.5 trilyong pambansang budget para sa 2021.

Ito ang tiniyak  ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance na nanguna sa pagpasa ng naturang budget measure.

Aniya, pangunahing prayoridad ng 2021 national budget ang COVID response ng gobyerno at kabilang sa mga napondohan sa programang ito ang pagbili ng bakuna, pagpapatuloy ng testing, contact tracing at paggamot sa mga tinamaan ng COVID.

“Malinaw sa aming mga deliberasyon na lahat ng prayoridad ng gobyerno at ng iba’t ibang ahensya ay aming natugunan. Siniguro rin namin na maging ang mga bagong pasang batas  ay may kaukulan ding pondo para makatulong din ang mga ito sa pagtugon sa mga proyekto at programa ng pamahalaan para sa mamamayan,” ani Angara.

Ang ilan aniya sa mga bagong batas ay naipasa tatlong taon na ang nakalilipas at naghihintay na lamang sa paglalagda at pagpapatibay ng Pangulo.

Kabilang sa mga ito ang Senate Bill 1520 o ang Medical Scholarship and Return Service Program o ang Doktor para sa Bayan Act na naghihintay na lang sa pagpirma ng Punong-Ehekutibo.

Layunin ng naturang panukala na madagdagan ang bilang ng mga doktor sa bansa, na aagapay sa kalusugan ng bawat Filipino saanmang sulok ng bansa. Ito ang batas  na magbibigay ng full scholarship sa mga mag-aaral na kuwalipikado sa kursong medisina.

Iniaatas din ng isang probisyon ng nasabing panukala ang pagtatatag ng medical school sa state universities and colleges.

Sa ilalim ng 2021 budget, ang hakbang na ito ay napag-ukulan din ng kaukulang pondo.

Kabilang din ang paglalaan ng P620 milyong pondo para sa cancer assistance fund at cancer medicines for children ng Department of Health. Ito ay alinsunod sa isinasaad ng Republic Act 11215 o ang National Integrated Cancer Control Act.

Kabuuang P434.5 milyon naman ang inilaang pondo para sa implementasyon ng RA 11036 o ang Mental Health Act na magkaagapay na pangan-gasiwaan ng DOH at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ito ay sa ilalim pa rin ng 2021 national budget.

Para naman sa maayos na pagpapatupad ng Department of Information and Communications Technology  (DICT) sa RA 10929 o ang Free Internet Access in Public Places Act, kaukulang P3.225B ang inilaan para rito. Ito ay upang matiyak na mas magiging malawak pa ang coverage ng libreng wi-fi sa mga pampublikong lugar.

Base naman sa Senate Bill 1092, kaukulang P1.365 bilyong pondo ang inilaan para sa pagpapataas sa teaching supplies allowance ng mga pampub-likong guro. Mula sa umiiral na P3,500 teaching allowance ay tataas ito sa P5,000 sa susunod na taon.

Umaabot  sa mahigit P4 bilyon ang inilaan para sa implementasyon ng Philippine Identification System (RA 11055) o ang national ID system ng Philippine Statistics Authority. Kabilang pa ang dagdag na P2.5 bilyong pondo sa ilalim ng unprogrammed appropriations na nakalaan din sa naturang programa.

Para naman sa sangay ng Hudikatura, kabuuang P295 milyon ang inilaan para sa pagpapatupad ng RA 11459 o ang Judges-at-Large Act, gayundin sa paglikha ng Judicial Marshal Service na bagaman hanggang ngayon ay nakabinbin pa sa Kamara.

Kabilang din sa budget ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang P200 milyong innovation fund na kinakailangan nito para makasunod sa mga rekesitos ng National Innovation Council.

May kaukulan namang P313.717 milyon at P25 milyon ang dalawang bagong ahensya ng gobyerno, ang Philippine Space Agency at ang National Commission of Senior Citizens, ayon sa pagkakasunod.

Tatanggap  ng P729 milyong pondo ang National Academy of Sports na nilikha sa ilalim ng RA 11470 na isinabatas nitong Hunyo 9, 2020. Mag-sisimula ang konstruksyon ng nasabing ahensiya sa susunod na taon. Ang naturang pondo ay nasasailalim sa pangangasiwa ng Bases Conversion and Development Authority, habang P264.4 milyon din ang inilaan sa ilalim ng DepEd bilang pondo sa iba pang requirements na may kinalaman sa pag-tatatag ng naturang sports academy.

Ang Tulong Trabaho Act (RA 11230) ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay pinaglaanan naman ng P1.021 bilyon para mas mapalawak ng ahensya ang kanilang training for work scholarships.  VICKY CERVALES

Comments are closed.