(Sa 2023 – LTFRB)EDSA BUS CAROUSEL ISASAPRIBADO

NAKATAKDANG isapribado ng gobyerno ang operasyon ng EDSA Bus Carousel service sa susunod na taon, ayon kay Department of Transportation(DOTr) Secretary Jaime Bautista.

Ginawa ni Bautista ang pahayag sa pagbubukas ng bagong bus stop para sa EDSA Bus Carousel sa Tramo, Pasay City.

Magugunitang ipinag-utos ni Bautista noong Setyembre ang pag-aaral sa posibleng pagsasapribado sa EDSA Bus Carousel.

Sinabi ni DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor na layon ng pag-aaral na matukoy ang mga bentahe sa pagbibigay ng busway system operations sa pribadong sektor.

Aniya, ang pagsasapribado sa EDSA Bus Carousel ay nangangailangan ng pag-aaral dahil kinasasangkutan ito ng maraming components tulad ng bus units at infrastructures, na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng ibang ahensiya.

Nang tanungin hinggil sa posibilidad ng fare increase, sinabi ng DOTr na ire-regulate ito at nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ang gobyerno ay nag-aalok ng libreng sakay sa EDSA Bus Carousel sa ilalim ng “Libreng Sakay” program nito, na nakatakdang magtapos sa December 31, 2022.

Ayon sa DOTr, ang EDSA Bus Carousel ay nagsasakay ng 320,000 hanggang 390,000 pasahero araw-araw.