(Sa atas na road clearing) NAKA-COMPLY KAMI SA DILG – MAYNILA

Honey Lacuna

HINDI makikipaghabulan o hindi kailangan ng timeline ng Maynila para bakbakin ang sagabal at basura sa mga lansangan ng lungsod.

Ito ang naging paha­yag ni Vice Mayor Honey Lacuna dahil nagawa na nila ang kautusan kaya hindi na kailangan ang 60 araw na ultimatum na ibinaba ng Department of Interiors and  Local Government (DILG).

Ayon kay Lacuna, hindi kailangan ng Lungsod ng Maynila na makipaghabulan para makatugon sa  60-day deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil dalawang linggo na ang nakalipas ay nalinis na ng city government ang mga pa­ngunahing lansangan sa Maynila partikular na ang mga itinalagang Mabuhay Lanes.

Pahayag pa ni acting manila Mayor Lacuna, nakatugon ang Sanguniang Panglungsod sa direktiba ng DILG na i-reclaim ang mga public road na gina­gamit para pakinabangan at pagkakitaan ng mga private individuals or entities.

Katunayan, ang Maynila ang nagpasimula sa paglilinis sa mga obstructions, illegal structures at nagkalat na ilegal vendors.

Bago pa umano ginawa ang 2019 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte kung saan inatasan nito ang lahat ng   local officials na gamitin ang kanilang kapangyarihan at i-reclaim ang mga public roads.

Nitong nakalipas na linggo ay nagbabala ang DILG na hindi na nila palalawigin pa ang kanilang ibinabang 60 days ultimatum at tiyak na pananagutin ng kagawaran ang mga LGUs na hindi makatutupad sa utos ng Pangulo.

Sinabi pa ni  Interior Secretary Eduardo Año na sapat na ang nasabing panahon para makatugon ang mga lokal na pamahalaan sa buong bansa na alisin ang lahat ng mga obstruction sa mga lansangan kasama ang mga sagabal sa mga daanan ng tao. VERLIN RUIZ