INIMBITAHAN ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang mga kompanya sa Estados Unidos na mag-invest sa ilan sa big-ticket transport projects ng bansa.
Ayon kay Bautista, ang mga proyekto na magkakaroon ng interes ang US firms ay ang modernisasyon ng regional airports, big-ticket railway projects tulad ng North-South Commuter Railway (NSCR) System, ang Metro Manila Subway at Subic-Clark-Manila-Batangas Rail.
Aniya, ang nasabing mga proyekto ay magsisilbing parehong areas of cooperation sa pagitan ng dalawang bansa, gayundin bilang investment opportunities para sa US companies.
Ginawa ni Bautista ang cooperation proposal kay US Undersecretary of Commerce for International Trade, Marisa Lago, sa isang pagpupulong noong Miyerkoles.
Sa naturang miting, tinukoy ni Lago ang metro system ng Chicago bilang posibleng blueprint para sa future rail lines sa Pilipinas.
Pinamumunuan ni Lago ang isang US smart city trade mission sa bansa kasama sina US Deputy Chief of Mission Robert Ewing, at US Minister Counselor for Commercial Affairs Aileen Nandi.
Noong Miyerkoles ay lumagda rin si Bautista sa isang memorandum of agreement sa US-based digital identity company Ultrapass upang subukan ang biometrics processing system sa mga paliparan sa bansa.
Pinasalamatan niya ang US government para sa suporta nito sa pag-revolutionize sa transport system ng bansa.
Sinabi niya na ang biometric system ay hindi lamang magbibigay ng mas kumbinyenteng passenger processing kundi magpapalakas din sa security protocols.
ULAT MULA SA PNA