(Sa CARAGA LGU) P158-M AYUDA IPINAABOT NI PBBM

IPINAAABOT  ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes ang P158.15 milyong tulong pinansyal sa local government units (LGUs) ng Caraga bilang bahagi ng suporta ng administrasyon sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng El Niño phenomenon.

Personal na iniabot ng Pangulo ang P12.48 milyon na tulong pinansyal sa Surigao del Sur; P50 milyon sa Agusan del Sur; P46.84 milyon sa Butuan City; P28.26 milyon sa Agusan del Norte; P10.57 milyon sa Surigao del Norte; at P10 milyon sa Dinagat Islands.

Bumisita ang Pangulo at ilang miyembro ng Gabinete sa Surigao del Sur at Butuan City nitong Huwebes para personal na magbigay ng tulong pinansyal sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng El Nino. “Katulad ninyo, nagsisikap ang pamahalaan upang lalo pang maging matatag ang Butuan bilang sentro ng kalakalan, industriya, at pamamahala dito sa Caraga,” mensahe ng Pangulo habang ipinamamahagi ang tulong sa Butuan City.

Isinailalim sa state of calamity ang Lungsod ng Butuan noong Hunyo 13, 2024 dahil sa El Niño, na nakaapekto sa humigit-kumulang 3,694 na magsasaka at mangingisda at nagdulot ng P699.54 milyong halaga ng pagkalugi sa agrikultura.Nagpaabot din ang Pangulo ng P10,000 cash assistance bawat isa para sa 9,195 benepisyaryo sa Surigao del Sur at 4,650 benepisyaryo sa Agusan del Norte at Butuan City. Bawat dumalo ay tumanggap ng limang kilong bigas mula sa tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez. Sa Surigao del Sur, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang pamamahagi ng mga makinarya sa bukid, kagamitan at tulong sa pautang. Pinalawig din ang tulong mula sa DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), Tulong Panghanap-buhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at Government Internship Program (GIP).

Ang training allowance para sa mga benepisyaryo ng Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) at livelihood starter tool kits ay ibinigay din ni Pangulong Marcos sa naturang event.