NALAMPASAN ng Pilipinas ang target sales nito sa China International Import Expo (CIIE) ngayong taon na may benta na nagkakahalaga ng USD1.1 billion, ayon sa Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM).
Ang kabuuang benta sa 6th CIIE ay mas mataas sa target na USD700 million ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ito rin ang record-high sales para sa Pilipinas sa China expo.
Noong 2022, ang benta ng Philippine pavilion sa CIIE ay umabot ng USD655 million.
Ayon sa CITEM, ang export promotions arm ng DTI, sa kabuuang benta ngayong taon, USD900 million ang purchase agreements habang USD226 million ang booked sales, sales under negotiation, retail sales, at business-matching activities.
“The CIIE has become an important platform for the country to showcase its best-selling food products and attract potential investors in China, creating new business opportunities and boosting the economy,” pahayag ni DTI Undersecretary Ceferino Rodolfo sa isang statement.
Ang CIIE ay idinadaos ng China taon-taon, kung saan nagho-host ito ng foreign enterprises na nais magbenta sa world’s largest market.
Ayon sa CITEM, ang pinakamabentang produkto ng Pilipinas sa trade fair ay top agricultural exports sa China, tulad ng saging, pinya, specialty coffee at durian.
Ang durian ay nagsimulang makapasok sa Chinese market ngayong taon.
“As you know very well, the Philippine government is keen on exploring opportunities for partnerships with Chinese enterprises to increase its export capacities to China by enhancing the entire value chain. And every sector plays a crucial role in attaining this because export development entails a whole-of-nation approach,” wika ni Philippine Trade and Investments Center -Shanghai commercial counselor Glenn Peñaranda.
(PNA)