HANDA nang ipagbawal ng Commission on Higher Education (CHED) sa mga kolehiyo at unibersidad sa bansa ang pagsagawa ng full distance learning simula sa ikalawang semestre ng Academic Year 2022-2023.
Sa ilalim ng CHED Memorandum Order No. 16 na may petsang Nobyembre 11, at pirmado ni Chairman Prospero de Vera, ang mga higher education institutions (HEIs) ay papayagan na lamang na magbigay ng kanilang degree programs sa pamamagitan ng full in-person classes o hybrid learning.
“Unless there is an approval from the Commission on Higher Education, an HEI cannot offer its recognized degree programs in full distance learning delivery, including fully online modality,” nakasaad sa kautusan.
Anang CHED, ang HEIs naman na magdedeliber ng degree programs sa pamamagitan ng hybrid learning ay dapat na maglaan ng 50 porsiyento ng kanilang total contact time para sa onsite learning o in-person classes.
Ang natitira pang contact time ay maaaring ideliber sa pamamagitan ng distance learning modalities gaya ng self-paced printed o online learning modules, synchronous o asynchronous learning sessions, at mga remote guided peer learning approaches.
Nabatid na ang mga HEIs naman na naglalayong mag-operate ng graduate at undergraduate programs sa pamamagitan ng distance learning ay dapat na humingi muna ng pahintulot mula sa CHED, alinsunod sa iminamandato sa ilalim ng Republic Act No. 10650 o The Open Distance Learning Act and other related policies.
Samantala, ang mga institusyon na nagpaplanong mag-operate sa pamamagitan ng transnational education ay dapat din munang humingi ng pahintulot mula sa komisyon.
Ang mga laboratory o shop courses naman na may on-the-job training at apprenticeship programs ay dapat na pangunahing isagawa sa pamamagitan ng onsite learning experiences simula sa ikalawang semestre.
Matatandaang dahil sa pandemya ng COVID-19, napilitan ang mga paaralan sa bansa na ipagbawal muna ang face-to-face classes upang maiwasan ang pagkalat ng virus sa mga paaralan.
– BENEDICT ABAYGAR, JR.