(Sa dalawang buwan na panunungkulan sa PNP) DRUG NETWORKS BUBUWAGIN NI CASCOLAN

Cascolan

NAG-UMPISA nang manungkulan bilang ika-24 pinuno ng Philippine National Police (PNP) si Lt. Gen Camilo Pancrasius Cascolan na nangakong bubuwagin ang drug network sa bansa.

Ayon kay Cascolan, sa maikling panahon ng kanyang pamumuno  ay isesentro nito ang pagtugis sa mga “high-value” target ng anti-drug war campaign ng PNP .

Paiigtingin nito ang case build-up at dudurugin din ang network ng mga drug lord.

Tinitiyak ni Cascolan na may maipakukulong na malalaking drug lords at mahahabol ang mga ito sa sinusulong na re-imposition ng death penalty at hindi lang puro maliliit na sangkot dito.

Isa si Cascolan sa mga may akda sa Oplan Double Barrel, ang anti-criminality campaign ng PNP na layong labanan ang ilegal na droga sa mga komunidad sa pamamagitan ng Oplan Tokhang, habang pinupuntirya din ang “high-value target.”

Nabatid na dalawang buwan lang uupo bilang PNP chief  si Cascolan na nakatakdang magretiro sa Nobyembre at depende na kay Pangulong Rodrigo Duterte kung papalawigin nito ang kanyang termino.

Nauna nang kinumpirma ni Interior  and Local Government Secretary Eduardo Año ang pagtalaga kay Cascolan bilang kahalili ng nagretirong PNP Chief  General Archie Gamboa matapos ang walong buwang panunungkulan.

Binigyang diin ni Año, “seniority” ang pinagbasehan ni Duterte sa pagpili kay Cascolan kahit na dalawang buwan lang maninilbihan ito.

“Tiningnan ng ating pangulo ‘yong records ng senior officers na candidate at nakita ng Pangulo na OK naman ang record ni General Cascolan, So ‘yun ang naging desis­yon,” anang kalihim. VERLIN RUIZ

Comments are closed.