(Sa Edsa – Roxas Boulevard) MMDA NAGPATUPAD NG TRAFFIC RE-ROUTING SCHEME

DPWH-MMDA

INIHAYAG ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagpatupad ang ahensiya ng re-routing scheme sa kahabaan ng Edsa-Roxas Boulevard.

Ito ay upang bigyang-daan ang pagka-calibrate ng traffic lights matapos makumpleto ng Department of Public Works and Highways (DWPH) ang pagsasaayos ng flyover nito noong nakaraang taon.

Ang mga sasakyang apektado ng pagbabago sa daloy ng trapiko ay ang mga bumibiyaheng pahilaga.

Ang mga manggagaling sa Baclaran-Roxas Boulevard ay papayagang kumanan patungo sa Edsa at ang mga kumaliwa patungong Macapagal Avenue at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Ang mga sasakyang manggagaling sa Edsa ay papayagang dumiretso sa PITX o sumakay sa slot ng U-turn.

Gayundin, ang mga sasakyang manggagaling sa Macapagal Avenue ay papayagang kumaliwa pahilaga o dumiretso sa Edsa.

Una na rito, tiniyak ng MMDA na sapat ang kanilang tauhan na gagabay sa mga ruta upang mamahala ng trapiko.
EVELYN GARCIA