MAGKAKALOOB ang Light Rail Transit Line 2 o LRT-2 sa persons with disabilities (PWDs) ng libreng sakay sa araw ng eleksiyon, Mayo 9, ayon sa Light Rail Transit Authority (LRTA).
Ang lahat ng PWDs ay maaaring mag-avail ng libreng LRT-2 rides anumang oras mula sa unang commercial trip sa alas-5 ng umaga hanggang sa huling commercial trip sa alas-8:30 ng gabi. (Antipolo station) at alas-9 ng gabi (Recto station).
Kailangan lamang iprisinta ng isang PWD passenger ang kanyang valid PWD ID sa security/station personnel sa pagpasok sa automatic fare collection system gates para makapag-avail ng libreng sakay.
“The provision of accessible transportation is one of the main requirements for PWDs to be able to participate in the national elections. LRT-2 is ready and available to accommodate them,” pahayag ni LRTA Administrator Jeremy Regino.
Pinayuhan din ni Regino ang lahat ng PWDs na sasakay ng tren patungo sa kanilang voting precinct na manatili sa Special Boarding Area (SBA) – ang designated area para sa senior citizens, PWDs, at mga buntis.
Pinaalalahanan din ng LRTA ang lahat ng PWD passengers na sumunod sa safety and security protocols, gayundin sa minimum health protocols, tulad ng pagsusuot ng face mask at ‘no talking’ at phone calls, na ipinatutupad pa rin sa loob ng mga tren at istasyon.