NABAWASAN ang budget deficit ng pamahalaan sa first half ng 2023, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Ang budget shortfall sa January-June 2023 period ay nasa P551.7 billion, mas mababa ng 18.17% kumpara sa P674.2-billion fiscal gap sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa BTr, ang pagliit ng budget gap sa first half ng taon ay dahil sa mas mataas na revenue collection para sa naturang period.
Ang first semester shortfall ay mas mababa rin ng 28.49% sa P771.5 billion mid-year deficit ceiling.
Sa datos ng Treasury, ang pamahalaan ay nakakolekta ng P1.86 trillion sa first semester ng taon, tumaas ng 7.68% mula P1.73 trillion year-on-year.
Nalampasan din ng January-June collection ang target na P1.81 trillion ng 2.72%.
Ayon sa BTr, 89% ng year-to-date revenues ay nakolekta mula sa mga buwis sa P1.65 trillion, habang ang nalalabing 11% ay mula sa non-tax collections sa P203.1 billion.
Ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay nakakolekta ng P1.22 trillion, tumaas ng 7,65% mula P1.132 trillion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Samantala, nakakolekta ang Bureau of Customs (BOC) ng P433.4 billion sa unang anim na buwan ng taon, tumaas ng 9.26% mula P396.7 billion noong nakaraang taon.
Ang income na nalikom ng BTr ay bumaba ng 10.68% sa P93 billion mula P104.1 billion year-on-year.
Umabot naman ang koleksiyon mula sa iba pang tanggapan o iba pang non-tax revenues, kabilang ang privatization proceeds at fees and charges, sa P110.2 billion, tumaas ng 34.26% mula P82 billion na naitala sa first half ng June 2022.