(Sa first quarter ng 2024) KUMPIYANSA NG CONSUMERS TUMAAS

TUMAAS ang kumpiyansa ng mga consumer sa first quarter ng taon subalit bumaba ang sa mga negosyo, ayon sa survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa isang virtual briefing noong Biyernes, sinabi ni BSP Department of Economic Statistics Senior Director Redentor Paolo Alegre Jr. na lumitaw sa resulta ng first quarter 2021 Consumer Expectations Survey (CES) and Business Expectations Survey (BES) na tumaas ang consumer sentiment kung saan ang overall confidence index (CI) ay naging less negative sa -10.9 percent mula -19 percent sa fourth quarter ng 2023.

Ayon kay Alegre, ang tumaas na kumpiyansa ay dahil sa mas malaking kita, pagkakaroon ng mas maraming trabaho, at karagdagang miyembro ng pamilya na nagtatrabaho.

Aniya, sa first quarter, ang mga consumer ay nabawasan ang pag-aalinlangan sa pagbili ng malalaking items.

Tumaas din ang porsiyento ng mga kabahayan na may utang at ipon.

Gayunman, sinabi ni Alegre na ang consumer sentiment sa second quarter at sa susunod na 12 buwan ay humina kung saan ang CI ay bumaba sa 2.7 percent at 13.4 percent mula  5.6 percent at 15 percent, ayon sa pagkakasunod, sa fourth quarter 2023 survey round.

Ang mas mababang kumpiyansa ay dahil sa inaasahan ng mga consumer na mas mabilis na pagtaas sa presyo ng mga produkto,  kumaunting trabaho, at mas mababang kita.

Para sa BES, ang CI ay bumaba sa  33.1 percent mula 35.9 percent sa  fourth quarter ng 2023.

Ang pagbaba ng kumpiyansa ng mga negosyo sa first quarter ay dahil sa inaasahang post-holiday decline sa demand para sa goods and services at pagbagal sa business activities, tuloy-tuloy na inflationary pressures mula sa mas mataas na presyo ng pagkain at langis at ang epekto nito sa ekonomiya, mahigpit na kumpetisyon, at ang masamang epekto ng El Niño sa agriculture sector.

“However, business sentiment is more buoyant for the second quarter of 2024,” ani Alegre.

LIZA SORIANO