(Sa gitna ng El Niño phenomenon) PRICE FREEZE SA 2 ORIENTAL MINDORO TOWNS

NAGPATUPAD ang Department of Trade and Industry (DTI) ng price freeze sa basic goods sa mga bayan ng Bulalacao at Mansalay sa Oriental Mindoro dahil sa matindi at mahabang tagtuyot.

Base sa dalawang magkahiwalay na Sangguniang resolutions, ang mga bayan ng Bulalacao at  Mansalay ay nagdeklara ng state of calamity dahil sa tagtuyot.

Kaugnay nito at alinsunod sa Section 6 ng RA 7581 o ang Price Act as amended, ang presyo ng basic necessities ay awtomatikong naka-freeze sa umiiral na presyo ng mga ito sa loob ng 60 araw simula noong February 26, 2024 sa Bulalacao, at March 7, 2024 sa Mansalay.

Ang basic necessities ay kinabibilangan ng canned fish and other marine products, processed milk (evaporated, condensed and powdered milk), coffee, laundry/ detergent soap, candles, bread (tasty and pandesal), iodized salt, instant noodles, at bottled water.

Ayon sa DTI, ang mga lalabag sa price freeze ay mahaharap sa parusang pagkabilanggo ng mula isa hanggang 10 taon, o pagmumulta ng P5,000.00 hanggang P1,000,000.00.

Paiigtingin ng provincial monitoring at enforcement teams ng DTI ang pagbabantay upang matiyak na sumusunod ang mga establisimiyento sa price freeze.