NAKATAKDANG umangkat ang bansa ng 25,000 metric tons ng isda hanggang Enero ng susunod na taon sa gitna ng closed fishing season na magsisimula ngayong buwan.
Ipinalabas ng Department of Agriculture (DA) noong Nobyembre 10 ang Special Order No. 1002 series of 2022, na nagtatakda ng mga alituntunin para sa importasyon ng 25,000 MT ng frozen round scad, bigeye scad, mackerel, bonito, at moonfish para sa wet markets sa panahon ng fishing ban simula ngayong Nobyembre hanggang Enero 2023.
Ang kautusan ay nilagdaan ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban.
Sa ilalim ng kautusan, ang lahat ng import clearances kaugnay sa aangkating 25,000 MT ng frozen fish ay dapat ilabas sa o bago sumapit ang Disyembre 15, 2022, na may validity period na 45 araw mula sa petsa ng pag-iisyu.
Inatasan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na agad i-dispose ang mga inangkat na isda nang sa gayon ay hindi ito mag-overlap sa local catch sa pagtatapos ng closed fishing season.
Ang mga importer na nakapagparehistro sa loob ng 5 working days mula nang ilabas ang kautusan ay maaaring lumahok sa importation program, basta sumusunod sila sa qualifications at requirements.
“All qualified importers shall strictly comply with Food and Safety Standards provided under the law and relevant guidelines,” nakasaad sa kautusan ng DA.