(Sa gitna ng inaasahang La Niña) FLOOD CONTROL PROJECT PINAMAMADALI

NABABAHALA si Senador Win Gatchalian sa pagkaantala ng pagpapatupad ng Metro Manila Flood Management Project lalo na’t ang proyekto ay makatutulong sa epekto ng inaasahang La Niña phenomenon ngayong taon.

“Nakakasira ng loob na malamang nasa 6.52% pa lamang ng proyekto ang natutupad laban sa tinatarget na 91% o slippage na 84.48%,” sabi ni Gatchalian. Ang tinutukoy niya ay ang P23.50 bilyong flood control project.

Nanawagan ang senador sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA), na kapwa mga implementing agency, na tiyaking magkakaroon ng catch-up initiative para maisakatuparan na ang pagtatapos ng proyekto.

“Ito ay isang napakahalagang proyekto kung isasaalang-alang na ang Metro Manila ay palaging nakararanas ng pagbaha sa panahon ng tag-ulan o kapag may matinding pag-ulan,” sabi ni Gatchalian sa isang pulong kamakailan na isinagawa ng Congressional Oversight Committee on Official Development Assistance (COCODA) na pinamumunuan niya at ni Congresswoman at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

“Sa harap ng banta ng La Niña, kinakailangan nating magkaroon ng mga proyektong makakatugon sa posibleng masamang epekto ng malakas na pag-ulan at pagbaha. Kung matapos sana ang proyekto ayon sa itinakdang petsa, malaki ang maitutulong nito sa ating mga kababayan hanggang sa mga huling bahagi ng taon kung kailan mananatili ang La Niña,” ani Gatchalian.

Ang World Bank at ang Asian Infrastructure Investment Bank ay nagbigay ng tig-$207.60 milyon sa mga concessional loan upang tustusan ang proyekto. Naging epektibo ang loan noong Marso 2018 at nakatakdang magsara sa Nobyembre ng taong ito.

Ang pinagsama-samang mga disbursement ay may kabuuang P6.92 bilyon o 29.44% ng kabuuang halaga ng proyekto.

Nanawagan ang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means sa DPWH para sa isang alternatibong plano na magbibigay-daan upang makamit ang layunin nito na mabawasan ang solid waste.

Tinanong din niya ang DPWH sa plano nitong gawing moderno ang mga drainage area. Batay sa ulat ng National Economic Development Authority (NEDA), ang flood management project ay nangangailangan din ng rehabilitasyon ng 36 na pumping station at pagtatayo ng 20 na bago. Pero sa ngayon, 7 bagong pumping stations lamang ang na-rehabilitate at 14 na iba pa ang sumasailalim sa rehabilitasyon. Samantala, 16 na iba pa ang hindi itinuloy dahil sa mga isyu sa right-of-way. Ang isa pang bahagi ng proyekto ay ang participatory housing at resettlement na layong tugunan ang isyu sa resettlement ng humigit-kumulang 2,500 kabahayan.

VICKY CERVALES