(Sa gitna ng oil price hikes) WFH SA IT-BPO WORKERS IDINEPENSA

Joel Villanueva

SUPORTADO ng mungkahing four-day workweek ng National Economic Development Authority (NEDA) ang panawagan ng mga IT-BPO worker na payagan silang magpatuloy sa kanilang work from home (WFH) arrangement.

Ito ang naging pahayag ni Senador Joel Villanueva sa panukala ng NEDA na layong  pagaanin ang gastos ng mga manggagawa dulot ng mataas na presyo ng gasolina.

“Dapat manguna ang gobyerno sa pagtugon sa abiso ng NEDA at ipatupad ito para sa IT-BPO sector,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee.

“Dapat mayroon tayong policy cohesion. Hindi dapat natin i-encourage ang alternative working arrangements sa ibang industriya habang babawalan naman natin ang WFH ng isang industriya,” dagdag nito.

Kaugnay nito, nanawagan din si Villanueva na iatras ng gobyerno ang ultimatum nito sa mga IT-BPO na itigil ang remote work dahil sa bantang mawawalan sila ng tax incentives na para na ring kaltas sa kita ang pag-commute.

Bukod sa kaltas na ito na napupunta sa gasolinahan o sa pamasahe, ang return-to-work order ay nangangahulugang kinakain ng gastos sa pag-commute ang budget sana sa pagkain ng pamilya, paliwanag ng senador.

“One of the best energy crisis mitigation measures pa rin ang work from home”, anang senador.

Sa isang sulat nitong Marso 17, umapela si Villanueva sa Department of Finance (DOF) na i-reconsider ang desisyon ng Fiscal Incentive Review Board (FIRB) na maaari lamang magpatuloy ang 90% IT-BPO workers sa kanilang WFH hanggang sa katapusan ng buwan.

Bukod sa pagtugon sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, binanggit din ng senador ang mga benepisyo ng WFH, gaya ng patuloy na pagtatrabaho sa kabila ng pandemya, gayundin ang epekto nito sa pagtaas ng productivity at pagkakaroon ng work-life balance ng mga manggagawa.  VICKY CERVALES