MAY 20,000 returning overseas Filipinos (ROFs) ang nakauwi na sa kanilang mga tahanan magmula nang ipatupad ang no-quarantine policy para sa fully vaccinated ROFs sa gitna ng COVID-19 pandemic. ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
“Sa unang 10 araw o mga siyam na araw ay halos 20,000 ang na-transport natin, ang napakain, until sila’y makabalik sa kanilang home regions. ‘Pag sinabi ko pong transport, ‘yan ay either through our OWWA-chartered buses sa PITX sa mga taga-Luzon o OWWA chartered flights kung taga-Visayas o Mindanao,” pahayag ni OWWA Administrator Hans Cacdac sa Laging Handa briefing.
Ayon sa Tourism Promotions Board, sa naturang bilang, 5,524 ROFs ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Biyernes ng nakaraang linggo.
Ang no-quarantine policy para sa fully vaccinated ROFs ay sinimulang ipatupad noong February 1.
Ang facility-based quarantine ay hindi na mandatory para sa fully vaccinated foreign travelers mula sa visa-free countries simula kahapon, February 10.
Sinabi ni Cacdac na para sa unvaccinated at partially vaccinated ROFs, 1,582 lamang sa kanila ang kasalukuyang tumutuloy sa 51 hotel quarantine facilities sa bansa.
Mas mababa, aniya, ito sa 7,000, dalawang linggo na ang nakalilipas.
“Nung kasagsagan ng Omicron at nagkaron pa ng pag-antala ng pagbiyahe due to Typhoon Odette, umabot ng halos 14,000. That was about a month ago, nung Disyembre papasok ng Enero,” dagdag pa niya.
Idinagdag pa ni Cacdac na 10 percent lamang ng ROFs ang naka-quarantine sa mga hotel, depende sa bilang ng arrivals kada araw.
Magmula nang pumutok ang COVID-19 pandemic noong 2020, may kabuuang 923,652 OFWs na ang napauwi ng pamahalaan, ayon pa kay Cacdac.