(Sa gitna ng tumataas na demand dahil sa Undas)WALANG BAGONG SRP SA KANDILA

Bulaklak at kandila

PINANATILI ng Department of Trade and Industry (DTI) ang suggested retail price (SRP) para sa kandila sa gitna ng tumataas na demand para sa produkto bilang paggunita sa All Saints’ Day at All Souls’ Day.

Hinikayat ng DTI ang publiko na tingnan ang latest SRP ng basic necessities and prime commodities (BNPC) na inilabas noong nakaraang Agosto.

“According to CPG (Consumer Protection Group), the August 2022 SRP bulletin shall be effective until DTI issues a new one,” pahayag ng DTI-Public Relations Unit.

Sa ilalim ng August 2022 SRP list, depende sa laki at piraso ng kandila per pack, ang presyo ng kandila na may brand na 5-Star Esperma ay naglalaro sa P49.83 hanggang P137.93; Export Candles, mula P29.75 hanggang P99.75; Liwanag Esperma candle, mula P46.42 hanggang P177.71; at Manila Wax, mula P47.74 hanggang P82.76.

Binalaan ng DTI ang mga retailer na huwag magtaas ng presyo ng unscented candles na lagpas sa SRP dahil itinuturing ito na basic goods.

Pinayuhan din ang mga consumer na bumili ng kandila sa groceries at supermarkets kung saan binabantayan ang mga presyo.

Para sa anumang insidente ng overpricing, maaaring tumawag sa DTI sa pamamagitan ng 1-DTI (384) o sa 0917-834-3330.

Para sa mga bulaklak, sinabi ng DTI na walang SRPs na ila­labas dahil hindi ito itinuturing na basic goods.

PNA