(Sa gumuhong tulay sa Taiwan) 2 PINOY PATAY, 1 MISSING AT ANIM PANG OFWs SUGATAN

taiwan bridge

KINUMPIRMA kahapon ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) na dalawang Filipino ang naitalang nasawi, isa ang nawawala at umabot na sa anim ang sugatang overseas Filipino workers (OFWs) sa pagbagsak ng isang tulay sa Taiwan nitong Martes.

Ayon kay MECO Director for Administration Gerry de Belen, na-recover na ang dalawa sa tatlong Pinoy na naaksidente sa bumagsak na tulay sa Taiwan na tumama sa kanilang fishing vessel.

Ayon kay De Belen, isa na lang na Pinoy fisherman ang hindi pa nakukuha ng awtoridad mula sa lugar ng aksidente.

Nakikipag-ugnayan na rin sa pamilya ng mga biktima ang ilang opisyal ng gobyerno para magpaabot ng pakikiramay at tulong.

Nabatid na maging ang Presidente ng Taiwan ay dumalaw sa mga Filipino kabilang sa mga sugatan at nangako ng tulong.

Nagpapatuloy naman ang malalimang imbestigasyon ukol sa pagbagsak ng malaking tulay sa Yilan County, Taiwan na sinasabing pinahina ng nagdaang bagyo.

Dalawa sa mga nasawi ang unang natagpuan na na-trap sa debris ng tulay habang ang dalawa pa ay nakita malapit sa isa sa mga nabagsakang fising boat.

Ayon sa fire agency ng Taiwan, 20 ang naitalang sugatan sa insidente kabilang ang 6 na Pinoy at 3 Indonesians na pawang fishing workers.

Una nang napaulat na may tatlong Pinoy na kabilang sa mga nawawala.

Kinilala naman ng  Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga nasawi na sina Andree Serencio at  Gorge Impang, habang ang nawawalang mangingisda ay kinilalang si  Romulo Escalicas Jr.

“We will assist in the repatriation of human remains and to process all benefits and entitlements arising from the accident,” ayon sa  Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Lumalabas na may sampung Filipino ang naging biktima ng bumagsak na tulay ng 460-feet Nanfangao Bridge na tinatawag ding “lovers’ bridge” na nasa Nanfangao harbor sa  Yilan County na napag-alamang itinayo lamang noong 1998. VERLIN RUIZ

Comments are closed.