MAAARING mag-alok na lamang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng discounts sa mga commuter at fuel subsidies sa mga driver sa halip na ibalik ang “Libreng Sakay.”
Ayon kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, ang pagkakaloob ng discounts ay magpapahaba sa P1.2-billion budget ng ahensiya sa anim hanggang siyam na buwan.
Aniya, ang iba pang modes of transportation tulad ng jeepneys at shuttle services ay maaaring saklawin ng discount at subsidy, hindi lamang mga bus.
“Aaminin namin na kung ang pinag-iisipan natin is gawing libre ang sakay, hindi ito kakayanin,” sabi ni Guadiz.
Nauna nang inamin ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na sa kasalukuyang P1.2-billion budget ng ahensiya, malabong palawigin ang Libreng Sakay program.
Ayon kay Bautista, ang EDSA free rides ay ginagastusan ng P10-12 million kada araw.
“The intention of the leadership is to stretch the money for as long as we can and to include jeepneys, shuttle rides, hindi lang buses,” ani Guadiz.
“Malamang ang gagawin dito ay we will just be giving discounts kasi kapag ang ginawa namin is libreng sakay, like what we did last December, ‘yong ₱1.2 billion is hanggang apat na buwan lang. It should be by this February maglalabas sila ng guidance which we’re going to give to the transport groups,” dagdag pa niya.
Matapos ang isang buwang pagbibigay ng libreng sakay sa mga commuter sanhi ng holiday rush, ang programa ay natapos noong nakaraang Dec. 31.