(Sa ikatlong pagkakataon) COCAINE MULING LUMUTANG SA DAGAT

cocaine

QUEZON – ISA na namang brick ng cocaine ang natag­puang palutang-lutang sa coastal area bahagi ng Sitio Sampitan, Barangay Cagsiay 2, bayan ng Mauban dakong alas-12:00 ng tanghali kahapon.

Sa report ni PCI Rodelio Calawit hepe ng Mauban PNP, habang naglalakad ang isang estu­dyante na 15-anyos at grade 7 nang mamataan nito ang nasabing brick ng droga.

Agad ipinaalam ng estudyante sa kanilang barangay official ang nakitang cocaine at ini-report naman ito sa tanggapan ni PCI Calawit.

Ikadalawang beses na ito na may natagpuang brick ng cocaine sa baybaying dagat ng Mauban, matatandaang ang unang nakuha ay sa may boundary ng Brgy. Rosario at Brgy. San Jose na isa ring estudyante ang nakadiskubre noong Pebrero 18 at ang unang nakuhang brick ng cocaine ay nakalutang naman sa dagat ng Sitio Banlag, Brgy.Villamanzano, isla ng Perez, Quezon na nadiskubre ng isang barangay tanod.

Ayon kay Calawit ang nakuhang cocaine ay tumitimbang ng isang kilo at inilipat ang kustodiya nito sa Quezon Crime Laboratory na nakabase sa Camp Guil­lermo Nakar, Lucena City upang masuri.

Sa kasalukuyan ay tatlong brick ng cocaine na ang natagpuan sa dagat ng lalawigan ng ­Quezon. BONG RIVERA

Comments are closed.