(Sa ilalim ng Alert Level 1) P11.2-B MADADAGDAG SA EKONOMIYA

Karl Kendrick Chua

MAHIGIT sa P11 billion at 191,000 trabaho ang madadagdag sa ekonomiya ng bansa sa pagluwag pa ng COVID-19 restrictions sa susunod na buwan, ayon kay Socioecono- mic Planning Secretary Karl Kendrick Chua.

Sa isang virtual briefing, sinabi ni Chua na kumpiyansa siyang matatamo ng bansa ang economic growth target range ng bansa na  7% hanggang 9% ngayong taon sa kabila ng surge sa COVID-19 cases noong Enero dahil sa Omicron variant.

“Despite the setback of the Omicron variant in the first month of this year, we have seen the virus go away fast, and we were able to manage the risk and we see a more responsive or more open economy in the latter part of January,” sabi ni Chua.

Ang National Capital Region ay itinaas sa Alert Level 3 noong January 3, 2022, at pagkatapos ay ibinaba sa mas maluwag na Alert Level 2 simula February 1, 2022.

Sinabi ni Chua na umaasa siyang magluluwag pa ang restrictions sa susunod na buwan kapag nagpatuloy sa pagbaba ang bagong kaso ng COVID-19.

“If we continue to work together and see Alert Level 1 hopefully by next month, then we would have added P11.2 billion in the NCR Plus area and reduce the number of unemployed by 191,000,” aniya.

Sa datos mula sa National Economic and Development Authority (NEDA), ang pagluluwag sa Alert level 2 sa NCR ay nagbigay sa ekonomiya ng P2.9 billion at karagdagang 50,000 trabaho kada linggo.

Iginiit din ni Chua na target ng pamahalaan ang unemployment rate na mas mababa sa 5%. Sa pinakahuling datos, ang rate ay nasa 6.6% noong December 2020.

Ang  gross domestic product ng bansa ay lumago ng 7.7% sa fourth quarter ng 2021, na naglagay sa full-year growth sa 5.6%.