AAYUDAHAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga eligible worker na nawalan ng trabaho sa muling pagsasailalim sa Metro Manila sa Alert Level 3.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang mga formal worker ay pagkakalooban ng one-time cash aid na P5,000 sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program,
Ani Bello, ang mga displaced worker ay maaaring mag-avail ng ayuda sa pamamagitan ng kanilang employers.
“Ang magbibigay ng pangalan ay ang mga employers. Ibibigay ang mga pangalan nila sa DOLE, after that ibibigay ang suweldo or cash assistance sa kanilang employer, at sila ang magbibigay. They can do that, or we can send it immediately.”
Sa kasalukuyan, aniya, ay kakaunti pa lamang ang mga employer na nag-a-apply para sa financial aid para sa kanilang mga manggagawa o nasa 100, subalit inaaahang madadagdagan pa ito.
Samantala, ang mga informal worker ay makatatanggap ng ayuda sa pamamagitan ng emergency employment o cash for work program.
Ayon kay Bello, sa kasalukuyan, ang ahensiya ay maaaring makapagbigay ng trabaho sa may 30,000 hanggang 40,000 apektadong mga manggagawa mula sa 100,000 na pagtaya ng Department of Trade and Industry (DTI).