Sa ilalim ng Duterte admin – DAGDAG-SINGIL SA PASAHE MALABO NA

duterte administration

MALABO nang maaprubahan ang mga nakabimbing petisyon para sa taas-pasahe sa mga nalalabing araw ng administrasyon ni Presidente Rodrigo Duterte, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ang mga transport group ay humihirit na itaas ang minimum fare sa P15 mula P9 para mapagaan ang epekto ng tumataas na presyo ng petrolyo.

Ayon kay LTFRB Executive Director Ma. Kristina Cassion, posibleng ang administrasyon ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na ang magdesisyon sa mga nakabimbing petisyon.

“Not in this administration, but perhaps if wala na talagang ayuda na maibigay, na-exhaust na natin lahat, perhaps that is the time. There is also clear guidance perhaps from the new administration,” ani Cassion.

Aniya, ang hearings para sa fare hike petitions ay nakatakda sa June 28 at 29, ang huling linggo ng administrasyong Duterte.

“I really do not want to preempt… pero there have been several pronouncements with DOTr. Especially with Sec (Art Tugade) as much as possible that the last resort is fare hike,” aniya.

Iginigiit ng mga transport group ang taas-pasahe dahil hindi na nila makayanan ang patuloy na pagsipa ng presyo ng petrolyo sa kabila ng mga tulong na iniaalok ng pamahalaan.

Isa na namang big time oil price hike ang ipatutupad ngayong araw kung saan ang presyo ng diesel ay tataaas ng PP6.55 kada litro, habang nasa P2.70 ang taas-presyo sa kada litro ng gasolina.