KUMPIYANSA ang National Economic and Development Authority (NEDA) na mapananatili ng Pilipinas ang matatag na suplay ng bigas sa kabila ng inaasahang matinding epekto ng El Niño phenomenon sa buwan ng Mayo
Ginawa ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan ang pahayag kasunod ng nilagdaang Memorandum of Understanding (MoU) sa pagitan ng Pilipinas at ng Vietnam matapos ang naging pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naturang bansa kamakailan.
Ayon kay Balisacan, sa ilalim ng kasunduan, ipagpapatuloy ng Vietnam ang pagsusuplay ng nasa 1.5 hanggang 2 milyong metriko toneladang bigas sa Pilipinas kada taon.
Dagdag pa niya na babantayan ito ng Department of Agriculture (DA) upang mas masiguro na magiging sapat ang suplay ng pagkain na pangangailangan ng bansa.
Samantala, sinabi ng NEDA na tuloy-tuloy rin ang ibinibigay na ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mahihirap na Pilipino sa ilalim ng Food Stamp Program kung saan nasa 300,000 pamilya ang makikinabang dito.
PAULA ANTOLIN