(Sa kabila ng nakitang oil spill)WALANG FISHING BAN SA PALAWAN

TULOY ang fishing activities sa Palawan sa kabila na umabot na sa lalawigan ang oil spill mula sa isang sunken motor tanker sa Oriental Mindoro, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Sa isang public briefing, sinabi ni Palawan PDRRMO head Jerry Alili na ang oil slick na nakita sa ilang lugar sa Palawan ay hindi ganoon karami at nakontrol na.

Gayunman, nagsagawa na, aniya, ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng pagsusuri para malaman ang water quality sa mga apektadong lugar.

Hanggang noong Biyernes, ang oil spill mula sa sunken motor tanker Princess Empress ay nakita sa Barangay Casian sa Taytay, Palawan — isang bayan na 295 kilometro ang layo mula sa Naujan.

Ayon kay Alili, nasa 100 hanggang 150 litro ng langis ang nakolekta sa mga baybayin ng Caluag.

Sa Oriental Mindoro ay ipinagbawal ang pangingisda sa mga lugar na apektado ng oil spill dahil sa posibleng pagkalason ng tubig.