(Sa kabila ng pagsasara ng Batangas refinery) SUPLAY NG ASUKAL ‘STABLE’

TINIYAK ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na matatag ang suplay ng refined sugar sa bansa sa kabila ng permanenteng pagsasara ng Central Azucarera Don Pedro Incorporated (CADPI) refinery sa Batangas noong Pebrero 28.

Sa isang radio interview, sinabi ni SRA Administrator Pablo Luis Azcona na naisakatuparan na ang target ng ahensiya na magkaroon ng buffer stock.

“Sa ngayon, iyong availability po ng refined sugar in the country is very ample, our supply has been stable the whole year,” aniya.

Dagdag pa niya, napanatili ng supply stability ang predictable market prices ng refined sugar.

Sa latest Bantay Presyo ng Department of Agriculture (DA), ang , retail price ng refined sugar ay nasa P72 hanggang P100 kada kilo sa Metro Manila.

Nilinaw ni Azcona na tumigil na ang operasyon ng CADPI noon pang 2023, na nagdulot ng supply inconvenience sa bahagi ng Luzon.

Gayunman, sinabi niya na maaaring punan ng iba pang refineries sa Tarlac, Tuguegarao, at  Bukidnon ang supply loss.

“Five out of 14 [refineries] can supply the premium demand ng mga (of the) soft drink companies, for the retail o sa palengke (or in the market), we have 13 other refineries that can take over the loss of CADPI,” ani Azcona.

Ang produksiyon ng CADPI ay umaabot sa 18,000 hanggang 19,000 bags ng refined sugar kada araw.   

(PNA)