TINIYAK ng Department of Agriculture (DA) sa local rice farmers na gumagawa ng paraan ang National Food Authority (NFA) upang mabili pa rin ang kanilang mga ani sa kabila ng kontrobersiyang kinakaharap ng ahensiya.
Magugunitang sinuspinde ng Office of the Ombudsman ang mahigit sa 100 NFA officials at employees, kabilang ang warehouse supervisors, dahilan para magsara at matigil ang operasyon ng maraming bodega sa buong bansa sa kasagsagan ng palay procurement season.
Ang suspensiyon ay nag-ugat sa umano’y paluging pagbebenta ng NFA sa rice buffer stock nito sa mga piling traders.
Sa isang news forum, sinabi ni DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa na nag-deploy na ng NFA trucks sa mga lugar na sarado ang mg bodega.
“Part ‘yun ng strategy ng NFA ngayon. Maraming truck na umiikot kasi may pondo sila ngayon na mamili.
Unhampered yung commitment ni Secretary ngayong panahon ng harvest season,” sabi ni De Mesa.
Aniya, inatasan na ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. si NFA Officer-in-Charge Administrator Larry Lacson na pabilisin ang reopening ng mas maraming bodega para maiwasang maparalisa ang operasyon.
“Utos din ni Secretary doon sa meron pang sarado na mabuksan agad at mapalitan yung mga— kumbaga ma-replace yung mga bodegero na na-suspend,” dagdag pa niya.
Ginawa ng DA ang katiyakan makaraang ibahagi ni AGRI Party-List Representative Wilbert Lee ang mga report na kanyang natanggap mula sa mga magsasaka na naapektuhan ng pagsasara ng mga bodega sa Nueva Ecija, na itinururing na rice granary ng Pilipinas.
“Sinasabi na ‘yung mga warehouse doon, sarado. And then bumagsak na agad ng P2 per kilo yung farmgate price kasi no choice yung mga lokal na magsasaka. Ang gusto raw mangyari, dalhin sa Pampanga pa. Paano yung logistic na ganun?” ani Lee.
Subalit iginiit ni De Mesa na may mga bodega pa sa Nueva Ecija na nag-ooperate. Aniya, sa 288 bodega sa bansa, 169 ang kasalukuyang aktibo.