(Sa kabila ng tumataas na presyo ng langis) WALANG PRICE FREEZE SA BASIC GOODS

HINDI pa kinokonsidera ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagpapatupad ng price freeze sa basic commodities sa kabila ng tumataas na presyo ng langis sa gitna ng Ukraine-Russia crisis.

Ayon kay Trade Assistant Secretary Ann Cabochan, may mga mekanismo sa Price Act hinggil sa pagdedeklara ng price freeze, kabilang ang pagdedeklara ng state of emergency.

“As of this time and sinabi na ‘to ni [Trade] Secretary Lopez, na hindi pa natin nakikita ‘yung circumstances that will give rise to a declaration of state of emergency,” sabi ni Cabochan sa isang public briefing.

Ayon sa DTI, ang mga produkto sa ilalim ng basic commodities ay ang canned sardines in tomato sauce, luncheon meat, meatloaf, beef loaf, corned beef, processed milk, coffee, bread, locally manufactured instant noodles, salt, detergent soap/laundry soap, toilet soap, bottled water, candle, at condiments tulad ng suka, toyo at patis.

“Patuloy po natin ‘yang mino-monitor kung magkakaroon ng circumstances that would prompt such declaration kasi ‘yung implementing agency under the price act, marami po kami diyan,” ani Cabochan.

Gayunman ay pinag-aaralan, aniya, ng ahensiya ang mga panukala na i-update ang suggested retain price (SRP) bulletin, na iko-coordinate sa mga manufacturer.

“Pinag-aaralan natin, kasi pag nagbibigay tayo ng SRP bulletin na may price adjustment, alam naman natin ‘yung magiging epekto din niyan kasi tataas pa ‘yung presyo kaya we have to study, with the manufacturers na nagbigay,” paliwanag niya.