INIHAYAG ng isang infectious disease expert sa mga Pilipino ang muling pagsusuot ng face masks kapag nasa pampublikong lugar kasunod ng pagtaas ng mga kaso ng sakit sa respiratory sa China.
Ngunit, nilinaw ni Dr. Rontgene Solante, pangulo ng Philippine College of Physicians na hindi naman dapat mag-panic ang publiko dahil wala pa namang linaw kung may panibago na namang pandemya na idudulot ang naturang ulat sa China.
“Hindi tayo magpa-panic na baka sasabihin na naman nating another COVID or a novel pathogen na hindi natin alam,” sabi ni Solante.
Ngunit hindi naman makakasama umano na maging mapagmatyag ang publiko laban sa sakit lalo ngayong malamig ang panahon, dapat umano na gawing habit na ang pagsusuot ng face mask at nasa oras ang pagpapaturok ng mga bakuna para makaiwas sa mga sakit.
“But it is also important while monitoring mag-iingat rin tayo dahil alam mo naman ang sakit ngayon mabilis nang mag-travel between country to another country dahil nga sa wala nang restrictions,” ayon pa sa doktor.
Na-monitor ng World Health Organization (WHO) ang pagtaas ng mga “influenza-like” na sakot sa Hilagang Tsina nitong kalagitnaan ng Oktubre. Ngunit iginiit ng China na walang kakaiba o “novel pathogens” sa mga tukoy na sakit na kumakalat sa rehiyon.
Sa kabila nito, iginiit ni Solante na kailangan ng ekstrang pag-iingat sa mga “vulnerable populations” tulad ng mga bata, nakatatanda, at may mga karamdaman na madaling mahawa ng sakit.
Sa datos ng Department of Health (DOH), nasa 182,721 “influenza-like illness” na ang naitala sa bansa nitong Nobyembre 11 ngunit bumabagal na umano ang pagtaas nito sa nakalipas na apat na linggo.
EVELYN GARCIA