BILANG pagkilala sa kanilang mahalagang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa, ang mga manggagawa sa pribadong sektor at gobyerno ay may libreng sakay sa Light Rail Transit (LRT) Line 2 sa Labor Day (May 1), ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang libreng sakay ay maaaring ma-avail tuwing peak periods mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga, at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.
Ang mga manggagawa ay kailangan lamang magprisinta ng company identification cards o anumang valid government-issued identification card.
Kailangan silang sumunod sa karaniwang frisking at baggage inspections ng LRT Line 2 management, gayundin sa rules and regulations, kabilang ang pagsusuot ng face masks.
Ang LRT Line 2 ay nagseserbisyo sa 13 istasyon sa 17.6-kilometer route nito — Recto, Legarda, Pureza, V.Mapa, J.Ruiz, Gilmore, Betty Go-Belmonte, Araneta Center-Cubao, Anonas, Katipunan, Santolan, Marikina-Pasig, at Antipolo stations.
Sinabi ng DOLE na inaasahang makikinabang din sa libreng sakay ang mga aplikante na tutungo sa iba’t ibang job fair sites sa National Capital Region.
Ang venues para sa job fair sa Metro Manila ay SMX Convention Center sa Pasay City, SM City Grand Central sa Caloocan City, SM City BF Parañaque at SM City Sucat kapwa sa Parañaque City, SM Southmall sa Las Piñas City, San Andres Gymnasium sa City of Manila, Quezon City Quadrangle sa Quezon City at Marikina Quadrangle sa Marikina City.
Mahigit sa 70,000 trabaho ang iaalok ng mahigit 700 employers.
Pangungunahan ng DOLE ang ika-121 paggunita sa Labor Day na may temang “Pabahay, Bilihing Abot-Presyo, Benepisyo ng Matatag na Trabaho Para sa Manggagawang Pilipino.”
PNA