(Sa loob ng himpilan) NANG-AGAW NG BARIL PATAY, 2 PULIS SUGATAN

LEYTE-PINA-IIMBESTIGAHAN ngayon ng Leyte Police Provincial Office (LPPO) ang pagkasugat ng dalawang tauhan ng Philippine National Police , isa rito ang malubhang nasugatan habang patay naman ang suspek na sinasabing nang agaw ng baril sa loob mismo ng presinto sa bayan ng Javier sa lalawigang ito.

Lumilitaw sa paunang imbestigasyon na kusang pumunta sa himpilan ng pulisya ang suspek sa kasong frustrated murder para sumuko dahil napag-alaman nito na may lumabas ng warrant of arrest para dakpin siya.

Sa ulat na ibinahagi sa media ni Maj. Ronald Puso, hepe ng Javier Municipal Police Office na pansamantalang inilagay nila ang suspek sa kanilang holding area para beripikahin kung may natanggap na silang kopya ng warrant.

“Nagdala na siya ng food and stuff kasi gusto na raw niyang sumuko. Habang kumakain ng tanghalian ang limang tauhan, nang-agaw siya ng baril at pinaputukan,” ani Puso.

Sinasabing isa sa malubhang nasugatan ang isa sa mga pulis na nabaril sa dibdib habang ang isa naman ay nagtamo ng tama ng bala sa kanyang binti.

Nagawa namang makaputok ng isa pang pulis sa gitna ng kaguluhan at natamaan ang suspek na nagawa pang itakbo sa Rural Health Unit sa harap lamang ng himpilan ng pulisya subalit idineklara patay na ito.

Agad na nagpahayag si Leyte Police Provincial Office (LPPO) Director Police Col. Dionisio DC Apas Jr., na isolated case lang ito at inatasan na niya ang kanilang hepe ng Provincial Investigation and Detective Management Unit na magsagawa ng malalimang imbestigasyon. VERLIN RUIZ