DAHIL sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa bansa ay patuloy na mahigpit na ipatutupad ang pagsusuot ng face mask sa lahat ng tren ng Light Rail Transit (LRT), Metro Rail Transit (MRT), at Philippine National Railways (PNR), ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Sinabi ni DOTr Assistant Secretary for Railways Jorjette B. Aquino na ang pagsusuot ng face mask ay mananatiling mandatory sa loob ng mga tren bilang preventive measure laban sa COVID-19.
Ayon kay Aquino, ang pagsusuot ng face mask ay mandatory din sa loob ng LRT-1, LRT-2, at MRT-3 stations. Ang polisiya ay optional sa PNR stations dahil ang mga ito ay open-air spaces.
“Our medical professionals in the railways sector stressed that the risk of COVID-19 transmission remains present in our trains as they are enclosed spaces,” paliwanag ni Aquino.
Aniya, nag-deploy sila ng security personnel sa lahat ng istasyon at tren para makatulong sa pagtiyak na mahigpit na naipatutupad ang polisiya.
Bagama’t milyon-milyong Pilipino na ang naturukan ng COVID-19 vaccine, hinimok ni Aquino ang mga mananakay na manatiling mapagbantay at protektahan ang mga kapwa nila commuter sa pamamagitan ng pagsusuot ng face masks.
“Even if you are fully vaccinated against COVID-19, you can still become infected and potentially spread the virus to others,” sabi ng opisyal.