(Sa mabilis na pagbaba ng tubig sa mga dam) RASYON NG TUBIG POSIBLENG MAPADALAS

NANGANGAMBA si Senadora Imee Marcos na mas mapapadalas mula hatinggabi hanggang sa araw ang pagrarasyon ng tubig at posibleng makaranas ng tagtuyot ang mga palayan dahil sa mabilis na pagbaba ng supply ng tubig sa mga dam.

Sinabi ni Marcos na mula sa 191 metrong lebel ng tubig ngayon, posibleng mas bumaba pa sa kritikal na lebel na 180 metro ang tubig sa Angat Dam, na pangunahing pinagkukunan ng supply sa 12 milyong residente ng Metro Manila at irigasyon sa mga magsasaka sa Pampanga at Bulacan.

“Masyado tayong naging kampante sa loob ng apat na dekada. Karamihan sa mga lumang dam na tulad ng Angat, Pantabangan at Magat ay binuksan noon pang 1967 hanggang 1983 pero ni hindi man lang nagkaroon ng rehabilitasyon,” paliwanag ni Marcos.

“Pansamantala lang na pansalo ang cloud-seeding at pagrarasyon ng tubig. Hindi pa rin umulan kahit na tinaya na magkakaroon ng mahabang La Niña,” dagdag pa ni Marcos.

Sa gitna ng kakapusan sa badyet, sinabi ni Marcos na ang susunod na administrasyon ay kinakailangang palakasin ang pamumuhunan sa mga maliliit na ‘water impounding system’ na mag-iimbak ng mga tubig-ulan sa panahon ng tag-ulan.

“Ang mga ito ay mga dam na hindi lalampas sa 30 metro ang taas at may kakayanang mag-imbak ng nasa 50 milyong metro-kubikong tubig. Kahit ang mga nagsasaka sa mataas na lugar ay makikinabang dito,” paliwanag ni Marcos.

Mas mababa lang sa 10% ang naiimbak na tubig-ulan ng bansa, kung saan karamihan sa mga ito ay dumadaloy lang patungong dagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.

“Ang ‘rainwater harvesting facilities’ o mga pasilidad na nag-iimbak ng tubig-ulan ay nakakabawas din ng pagbaha sa panahon ng tag-ulan, bukod pa sa magagamit ito sa mga irigasyon sa mga palayan, sa mga palaisdaan, mga sanitasyon sa mga kalunsuran, at iba pang paggagamitan ng tubig sa mga komunidad tulad ng pagtatanim at pag­huhugas ng mga kotse,” banggit pa ni Marcos.

Sa harap nito, nanawagan si Marcos sa pamamagitan ng Senate Bill 1940 na magtatag ng Water Resources Ma­nagement Authority na naglalayong pag-isahin na lang ang mga nagkakapatong-patong na trabaho o tungkulin ng mahigit sa 30 tanggapan ng gob­yerno, mga local water board, at mga pribadong water utility operators.

“Malaking hamon sa susunod na administrasyon ang lumalagong populasyon at global climate change, kaya marapat lang na magkaroon ito ng klaro at abot-kayang estratehiya para malutas ang lumalalang krisis sa tubig,” diin ni Marcos. VICKY CERVALES