(Sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity dahil kay ‘Kristine’) PRICE FREEZE SA BASIC GOODS

NAGPATUPAD ang Department of Trade and Industry (DTI) ng price freeze sa basic necessities sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity sa gitna ng pananalasa ng bagyong Kristine.

Sa ilalim ng Price Act, ipinatutupad ang 60-day automatic price freeze kapag idineklara ang state of calamity. Sakop nito ang mga produktong tulad ng canned fish, locally manufactured instant noodles, bottled water, bread, processed milk, coffee, candles, laundry soap, detergent, at salt.

“Our on-the-ground regional and provincial offices actively monitor prices and supply levels of products without our jurisdiction in affected areas,” pahayag ni DTI Acting Secretary Cristina Roque sa isang statement.
“In close coordination with the Office of the Civil Defense (OCD), we are prepared to enforce the automatic price freeze that accompanies any state of calamity declaration,” dagdag pa niya.

Ang Albay ay isinailalim sa state of calamity noong Martes dahil sa patuloy na pag-ulan na nagresulta sa mga pagbaha at landslides sa vulnerable areas.

Ang Magpet town sa Cotabato ay kasalukuyan ding nasa ilalim ng state of calamity.

Ang mga lalabag sa price freeze ay mahaharap sa parusang pagkakakulong ng isa hanggang 10 taon o pagmumulta ng mula P5,000 hanggang P1 million, o pareho, depende sa magiging desisyon ng korte.

Hinikayat ng DTI ang mga consumer na i-report ang retailers, distributors, at manufacturers na nagbebenta ng mas mataas sa umiiral na presyo.

“The DTI will take strong action against any violations, which may include administrative cases and fines,” ani Roque.