(Sa mga nalalabing araw ng Agosto) WALANG AASAHANG ROLBAK SA PRESYO NG PETROLYO

PETROLYO

WALANG inaasahang oil price rollback sa nalalabing mga araw ng buwan sa gitna ng paghihigpit sa suplay ng Saudi Arabia at Russia, ang top oil producers sa buong mundo, ayon sa isang opisyal ng Department of Energy (DOE).

Sa isang public briefing, sinabi ni DOE-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na ang tinatayang supply shortage ay maaaring umabot sa 2.8 million barrels per day ngayong Agosto.

Epektibo kahapon, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P1.10, diesel ng P0.20, at kerosene ng P0.70.

Ito na ang ika-6 sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng gasolina, at ika-7 na sunod para sa diesel at kerosene.

“Ito po ay talagang pinangungunahan ng effect ng pagbabawas ng supply, hindi lang ng Saudi [Arabia] kundi kasama na po ang inaasahang pagbabawas ng Russia,” ani Abad.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Agosto 15, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P13.40 kada litro, diesel ng P8.60, at kerosene ng P5.14 kada litro.