SISIMULAN na ang planong limang taong tigil-operasyon ng Tutuban to Alabang line ng Philippine National Railways (PNR) sa kalagitnaan ng Enero sa susunod na taon.
“We will be stopping the full line in Metro Manila by the middle of January. The January closure will not affect the completion of the project because preparatory works are being done, so there will be no idle time,” pahayag ni PNR General Manager Jeremy Regino.
Magugunitang noong Hunyo ay inanunsiyo ni Regino na iuurong ang temporary closure ng Tutuban to Alabang at vice versa route matapos ang Pasko mula Oktubre. Ito’y habang nakabimbin ang paglagda sa kontrata para sa konstruksiyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) project.
Noong Hulyo, ang Alabang to Calamba route ng rail line ay itinigil ang operasyon upang bigyang-daan ang kontruksiyon ng NSCR.
Ang mga apektadong istasyon ay kinabibilangan ng Muntinlupa, San Pedro, Pacita Main Gate, Golden City, Biñan, Sta. Rosa, Cabuyao, Mamatid, at Calamba.
Ayon kay Regino, ang pagsasara sa Tutuban to Alabang route ay makaaapekto sa hanggang 35,000 pasahero araw-araw sa peak holiday season.
Para matulungan ang mga commuter na maaapektuhan ng pagsasara ng PNR stations ay binuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang tatlong ruta para sa operators ng mga pampasaherong bus at modern jeepney.
Ang konstruksiyon ng NSCR, isang 147-kilometer urban railway network na nagdurugtong sa Metro Manila, Pampanga at Laguna, ay inaasahang matatapos sa 2028.