HINILING ni Rizal Rep. Fidel Nograles na bigyan ng libreng COVID-19 testing ang mga frontline worker na humaharap at tumutugon sa pandemya.
Ang panawagan ng kongresista ay sa gitna na rin ng pagtaas na naman ng kaso ng COVID-19 na pinaghihinalaang dahil sa Omicron variant.
Giit ni Nograles, nararapat lang na tiyakin na ang mga modern day hero na frontliners ay hindi na mag-aalala sa gastos sa testing at pagpapagamot sakaling mahawaan ng sakit.
Aniya, hindi lang mga healthcare worker ang mga frontliner kundi kasama rin dito ang pharmacy attendants, quarantine hotel employees at iba pang mga manggagawang ‘heavily-exposed’ sa mga taong may COVID-19.
“Giving free testing to our frontliners greatly helps our country’s response to COVID-19 as they will be tested regularly and will not have to dismiss symptoms just to avoid expenses,” pahayag ni Nograles.
Makatutulong din, aniya, sa pagtugon ng bansa laban sa COVID-19 ang libreng testing sa mga frontliner dahil bukod sa regular silang masusuri ay hindi nila babalewalain ang mga sintomas para makaiwas sa dagdag na gastos.
Suportado rin ng kongresista ang panawagan para sa malawakan at libreng COVID-19 testing ngunit dapat munang ikonsidera bilang unang hakbang tungo sa mass testing ang pagsusuri sa mga frontliner. CONDE BATAC