(Sa MV Diamond Princess) 41 PINOY NA ANG POSITIVE SA COVID-19

Maria Rosario Vergeire

KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na umaabot na sa 41 ang bilang ng mga Pinoy na sakay ng cruise ship na MV Diamond Princess, ang nagpositibo sa 2019 coronavirus disease (COVID-19).

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire na anim pang Pinoy na sakay ng naturang barko ang nakumpirmang infected na rin ng virus kaya’t na­dagdagan pa ang bilang ng  confirmed cases.

Ayon kay Vergeire, lahat naman ng nagpositibo ay pawang crew members ng cruise ship at dinala na ang mga ito sa pagamutan at kasalukuyan nang nagpapagaling.

Tiniyak din ni Vergeire na araw-araw silang nakakakuha ng update sa kondisyon ng mga Pinoy.

“Sa ngayon, we have 41 positive cases already for our crew sa ating Diamond Princess,” aniya sa isang pulong balitaan.

Ang MV Diamond Princess ay kasaluku­yang naka-quarantine sa Yokohama Port sa Japan matapos na may mga sakay nito ang nagpositibo sa virus.

Hiniling na ng Embassy sa Japan at ng may-ari ng cruise ship na mapauwi ang may 538 Pinoy na sakay ng barko, sa sandaling matapos ang quarantine sa kanila, na nakatakdang magtapos hanggang kagabi.

Tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi kasama sa ire-repatriate ang mga Pinoy na nagpositibo na sa COVID-19 dahil kailangan muna silang lapatan ng lunas.

Ang mga pauuwiin namang Pinoy ay isasa­ilalim sa panibagong 14-day quarantine pagdating sa Filipinas bago tulu­yang payagang makauwi sa kani-kanilang pamilya.

Paglilinaw naman ni Vergeire, boluntaryo lamang ang pagpapauwi sa mga Pinoy at lahat ng mga nais na umuwi lamang ang mapapasama talaga.

“Pag-inuwi natin sila, this is voluntary. Tinanong na sila kung sino ang willing to go home, may bilang sila na talaga,” aniya pa.

Gayunman, hindi pa tinukoy ang eksaktong bilang ng mga Pinoy na nagpahayag na ng kahandaang umuwi ng bansa, sa pamamagitan ng chartered plane.

Sa kasalukuyan, may 49 na Pinoy mula sa Hubei, China ang naka-quarantine pa sa New Clark City sa Capas, Tarlac, at inaasahang matatapos ang kanilang 14-day quarantine sa Sabado. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.