TATLONG superstars – dalawa ay produkto ng NCAA at isa ay mula sa UAAP – ang mangunguna sa 47 rookie hopefuls sa isasagawang PBA Draft ngayon sa Robinsons Place Manila.
Sina CJ Perez ng Lyceum of the Philippines Pirates at Robert Bolick ng NCAA champion San Beda Red Lions, at Filipino-American Bobby Ray Parks, Jr. ng 2014 UAAP champion National University Bulldogs ang tatlong matutunog na pangalan na pag-aagawan ng 12 teams.
Si Perez, 25, tinaguriang ‘heart and soul’ ng Lyceum, ang nagdala sa Pirates sa dalawang sunod na NCAA finals bagama’t nabigo ang Intramuros-based squad sa San Beda.
Inako naman ni Bolick ang leadership ng Red Lions na iniwan ni Filipino-American Davon Potts na kasalukuyang naglalaro sa Alaska Aces. Si Bolick ay maglalaro sa 2023 World Basketball.
Samantala, ang kaliweteng si Parks, anak ni 7-time Best Import Bobby Parks, ay naging star player ng NU at naglaro sa Alabamateur basketball league sa US.
Hindi makadadalo si Parks sa drafting dahil naglalaro siya para sa Pinas kontra CLS Knights ng Indonesia sa ASEAN Basketball League.
Unang pipili ang Columbian Dyip sa pool of rookies bilang kulelat sa nakaraang Governors’ Cup.
Inaasahang isa sa ‘big three’ ang huhugutin ng Columbian para palakasin ang kanilang front line at makabawi sa susunod na season ng PBA.
Bukod kina Perez, Parks at Bolivk, sasali rin sa draft sina highly-sought big man Abu Tratter, triple-double machine Bong Quinto at Letran teammate JP Calvo, San Sebastian hotshot Bong Calisaan, MJ Ayaay ng Lyceum, dating UAAP Rookie of the Year Kyles Lao ng UP, Teytey Teodoro ng Jose Rizal College, Joseph Manlangit ng Centro Escolar at Fil-foreign bred players Trevis Jackson, Robbie Manalang, Matthew Salem, Paul Varilla, at Carlos Isit.
Ang rookie draft ay pangangasiwaan sa unang pagkakataon ni Commissioner Willie Marcial. CLYDE MARIANO
Comments are closed.